Biyernes, Marso 29, 2013

Tayo Na Sa Antipolo 2013


Magdadalawang taon na nung una akong mag Alay Lakad papuntang Antipolo. Naalala ko pa nagkita kita kami kanila Chris noon bago sabay sabay na nagtungo sa Galleria kung saan naman imimeet yung dalawa pang kasama namin. Kumain pa kami ng dinner bago nakapagsimula bandang alas nueve. Marami nang tao ng mga oras na yun at kami na ang bumibida sa kakalsadahan. Akalain mo nasa gitna kami naglalakad?! 

At syempre dahil mga virgin pa sa bundok, naparami ang aming stopovers. Stopover para kumain, uminom, umihi, magcamwhoring, magdasal (daw), at magsing-along. Actually more sing-along yata ako sa mga stations. Let me stay by your guiding love, all through my life, all through my days.... Choz. After six hours, nakarating din kami sa 7 Eleven. As in major stopover pa rin kami kahit less than a hundred steps na lang kami sa simbahan. Para lang magSlurpee NKKLK. At syempre sarado na ang simbahan nun. Anong petsa na, alas tres na. Hanggang gate lang kami kung san ginagawang wishing well ng mga tao sa paghagis ng baryables. Nakihagis din ako. Di ko maalala kung may winish ako. Pero alam ko wish na wish ko na makauwi at makatulog.

Si Enzo ang nag-aya samin ni Ugin sa alay lakad this year. Kitakits din sa Galleria bandang alas sais. May pasok ako til 4PM kaya pinaaga kong tapusin lahat ng gagawing tasks ko. Akala ko makakapaghalfday ako pero ang ending eh kelangan ko rin pala antayin matapos si Carol bandang alas kwatro. Wala rin namang MRT kaya nagbus kami. Ang inaabangan lang namin eh kelangan Bus B na aircon na Fairview at dadaan ng Ortigas Ilalim. Sinung mag-aakalang uncommon palang combo ang byaheng yan. Nganga kami ng 30 minutes. Pagkasakay namin, wala pang 30 minutes nasa Ortigas na ako, dahil sa kaluwagan ng Edsa. 

Alas singko pa lang nag-aabang na ako sa kanila. Bumili lang ako ng isang Sting Red para mag-abang sa Ministop sa labas. Nag-iPod lang ako para walang manggulo sakin, pero nag-oobserve lang ako sa mga tao doon. Andaming bex na nag-aabang. Mga mag-aalay lakad siguro tong mga to. Either that or ginawa lang nilang kitaan ang Ministop sa kung san sang lamyerda nila. Kebs. Sa tabi ko may kakameet lang na mga bex, galing sa clan siguro or something. More kebs. Alas sais en punto pa dumating ang Enzo, Dex at Ugin. 

Akala namin makakapagdinner kami sa Jabee sa may Startek pero fail dahil closed na sila. Sa McDo sa Emerald pa kami nakarating bago nakakakain. Dun naman ang meetingan ata ng mga deaf/mute. Di naman weird pero alam mo yun, di mo alam kung pinagtatawanan nila kayo or something. Ok na rin at least di maingay di ba. Tapos tinawag nila yung isang crew para manghingi ng ketchup. Kung anu ano pinaghuhula sa kanila nung crew. Yung resibo po? Toothpaste po? Ahhh mustard! Choz ketchup! Yes pagkain ito kuya.

Nakapagsimula na kami bandang alas siete na. Dere-derecho lang along Ortigas Extension. May slight kwentuhan naman along the way pero tuluy tuloy lang. Bilugan ang buwan at napakalaki, namamangha tlga ako. Syempre affected ako nyan kasi pag bilog yan mataas ang emo levels ko. Every five minutes yata nagchecheck ako ng phone... kamusta na ba sya?! Pero wa. Baka busy. Going forward sa Meralco, Tiendesitas, Rosario. Wala pang kachallenge challenge. Floodway, Lifehomes, De Castro. Maning mani. Pagdating sa Ever mejo pagod na pero lakad pa rin. Di ko na alam after Ever kaya nagrerely na lang ako sa pasulong na lakad ng mga tao. Nagstopover kami sa may Mercury para magreplenish ng tubig. Ako baon ko lang isang puno nung water bottle ko galing pa sa office. Ineexpect ko na makakasurvive ako sa 750mL lang.

Bandang alas nueve y media na kami nakarating sa Tikling. Akala ko makakastopover pa kami para magpahinga. Pero nung makita namin yung first station, tuluy tuloy na rin kami. Ang Huling Hapunan. Sana naman yung crispy chicken fillet ay di maging huling hapunan ko. Mejo hingal na ako at puro tubig lang iniinom ko pang sustain ng stamina. Kung may magmemessage sana sakin eh more energy pa ako choz. After ng unang estasyon eh sunud sunod na ang pag-aabang namin. Parang counter na namin yun kung malapit na ba kami sa tuktok. Mejo inclined ang daanan dito at ilang beses din ako naooff balance. Derecho lang. May mga stations na magkalapit lang parang Boni-Guadalupe. At may mga stations na milya rin ang agwat parang Ortigas-Santolan. Akala ko nga nagkamali na kami ng sinusundang mga tao eh pero after 15 minutes nakita na rin namin yung kasunod. 

Nagkalat din ang mga preachers sa daan. Sabi nila di ka naman mababawasan ang kasalanan mo sa paglalakad. Alam ko naman yun. Kung mababawasan yan eh dapat matagal na akong banal sa dami ng walkathon ko para lang makatipid ng pamasahe hahah. Ginagawa lang namin to para sa isang panata. Kapalit ng pagpapagod na ito ang paghingi ng tawad at pasasalamat. 

Alas onse na kami nakarating sa simbahan. Bukas pa! Apat na oras lang, labing-apat na istasyon, at dalawampung kilometro. Kung nagmukhang nagmamadali ako sa mga kasama ko, I am sorry. Naghabol lang ako ng time makapasok sa simbahan. Sa loob ay usad pagong naman sa dami ng tao. Di ka makakakuha ng wide shot na walang nakaharang na ulo, kamay, cellphones at digicam. Lahat nagtatangka kumuha ng pic ng altar. Nakakuha rin naman ako after ilang tries. Nakakabuset kasi yung nasa harap ko ang tagal kumuha. Nagvideo na, nagstill shots pa sa digicam at cellphone. Ampapanget naman ng shots nya. Kaya siguro paulit ulit choz. Heniwey, sa harap may mga nagdarasal din. Kami nakuha lang namin maghagis ng barya para sa wish. Isa lang naman ang wish ko. Si Huntie*. O kung di naman pwede, kahit yung closeness na lang. Hahahah. Dapat yata ipako na rin ako sa krus. Martir. Choz.

Bago umuwi, nakakuha kami ng isang sulok sa kalayuan ng simbahan para makapagmeryenda. Naghanda pa kasi si Dex ng mga sandwiches. Bumili pa sila ng tubig. Kung kanina di ako maihi sa dami ng ininom ko, malamang dahil nilabas ko rin lahat yon as pawis, ngayon naman ay pumuputok na ang pantog ko. Ang malas ko lang dahil sarado na ang mga fastfood para makisuyong makiCR. Pinigil ko na lang pag-uwi. Lumakad ulit kami papuntang Sumulong para umuwi. Grabe managa ang mga drivers pero wala na panahon para magpakachoosy masyado. Jeep pabalik ng Crossing eh kwarenta. Ok na yan. Tinulugan ko rin naman yung byahe dahil sa pagod. 

Sabi ko dati di ko na uulitin to. Baka di ko na tlga ulitin to. Pero why not. Baka nga nabawasan ang kasalanan ko. Baka nga matupad ang pangarap ko. Pero isa lang ang sigurado ako, nakapagpasalamat ako. Kapalit ng paltos, masakit na binti at balakang, maraming salamat po at binibigyan Ninyo pa kami ng pag-asa.

Walang komento:

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails
Animated Social Gadget - Blogger And Wordpress Tips