Miyerkules, Agosto 27, 2008

Betamax

Betamax August, 2008


Naabutan nyo pa ba ang betamax? Sony pala siya, recently ko lang ulit nasilip. Ilalagay ko sana ang details nito kaya lang tinatamad na ko, igoogle nyo na lang, nakainternet ka naman ngayon di ba? Basta yung tape din sya pero masmaliit ng konti sa VHS. Ang layo na ng Betamax sa PSP ngayon. Heniweys, nung bata pa ko eh peborit kong manood dito. Wala kong porn noon ha, bata nga eh! Meron kami mga cartoons ng Disney noon. Nakabisado ko pa ata yung mga songs. Minsan hihiram kami ng mga tapes sa mga rentahan, one week siguro. Eh biglang nagbigay ng VHS yung tita ko samin. Nagpe-phase na out na pala ang betamax nun. Sad. Ngayon nasaan na yung betamax namin? Nakatambak siguro sa bodega, inaalikabok.

ROLL BETAMAX!



~0~



PAUSE!

Kumakain ka ba ng isaw, adidas, at kung ano ano pang lamang loob? Tayong mga Pilipino eh creative, akalain mo yung mga byproducts eh nagagawa pang food natin. Walang sayang, walang tapon. Isa sa mga byproduct na to eh yung dugo ng manok. Coagulated blood. Murang mura lang, piso isang tuhog. Nung una kong tikim nito eh parang walang lasa, kelangan pa ilublog ng isang minuto sa suka para magkalasa. Pantawid gutom na rin kahit papaano.

Hindi naman ako maarte sa dugo. Kumakain naman ako ng dinuguan, hindi naman ako Iglesya (hindi rin Dating Daan). Gusto ko yung luto ng nanay ko ng dinuguan, yung sa mga turu-turo kasi kulang sa asim, siguro dahil na rin sa sukang gamit namin, hindi naman to special ingredient pero iba lang talaga pag nakasanayan mo yung sukang tubo. Masarap din naman yung dinuguan sa Goldilocks, balita ko meron pa silang instant dinuguan mix daw. Ang madaya nga lang eh puro taba!



~0~



PLAY!

Narinig mo na ba yang kanta ng Sandwich na Betamax? Sinulat to ni Raymund Marasigan, dating member ng Eraserheads, Ely Buendia grrrrr.... heniweys, may vid din tong song na to. All about remembering your past. Siguro around 80s yung era nya. Eh ako generation X daw, or generation NEXT sabi ng Spice Girls, ano ba talaga? Ang pinakamalaking influence sakin eh tong 90s, na compared sa 60s at 70s eh boring daw. Hindi ata ako makakapayag nyan! Makikipagpatayan ako para ipagtanggol ito! hahah.



~0~



REWIND!


Games
. Tumbang preso, patintero, taguan, nanay-tatay, langit lupa impyerno, shato (na nung bata ako ang dinig ko chato), moro-moro (o agawang base din minsan), chinese garter, 10-20, i love you teleber teleber (actually teddy bear daw yung tamang word jan). Lumaki akong ndi natutulog sa tanghali kasi laging nasa arawan. Shett, imagine mo yung Radiance ko nun, takot lang lumapit nga mga tao siguro. May mga kanta pa bawat game.

Langit Lupa:
Langit, lupa, impyerno
Im-im-impyerno

Saksak puso tulo ang dugo

Patay, buhay, umalis ka na diya-an.


Taguan:
Tagu-taguan, maliwanag ang buwan
Masarap maglaro sa dilim-diliman

Pagkabilang ng sampu nakatago na kayo

Isa, dalawa, tatlo, boom Patrick! Save! Taya ka!


Jump Rope Tagalog/English:
I love you, teddy bear, teddy bear

Hawakan ang lupa (
Touch the ground)
Hawakan ang paa (
Touch your feet)
Umikot ka at lumayas ka na! (
Turn around and go away!)

TIME FIRST! Syempre hindi nawawala ang mga talunan o burot (buro yata ang tamang term). Sarap kalaro nila kasi walang kapagod pagod. Maraming salimpusa lang, maraming malakas mang-asar, maraming palaaway, maraming iyakin, at maraming sumbungero. UWIAN NA! UWIAN NA! UWIAN NA! (repeat to fade)


TV Shows. Kilala mo sila Cedie, Sarah, Remy, at Peter Pan? Mga anime sila na pinapalabas sa dos ng alas dyes ng umaga yata. Tapos meron ding ATBP (na spoof ata ng Sesame Street at Batibot), Sineskwela, Hiraya Manawari at Bayani. Ewan ko ba sa kaweirdohan ko eh nung ending ng Princess Sarah, naiyak ako sa scene nung madapa si Miss Minchin sa snow nung malaman nya na mayaman si Sarah. May pagkakontrabida na ba ako nung time na yun?

Sikat na sikat dati yung Dragon Ball sa Channel 9. Yung mga kaklase ko nag-iimbento pa ng mga kwento para lang magpasikat na napanood na daw nila yung advanced episodes. Kunwari, sasabihin sayo na si Son Gokou daw eh magiging Super Saiyan kapag nahanap nya ang magic lamp at napakasalan si Marimar. Yung mga ganyang kwentong barbero.

Nauso rin ang mga Sentai series dati, pero ang alam ko nun ang tawag dun eh Bioman, Maskman, etc. Hindi ko gaano nasubaybayan ang Bioman, english kasi. Natatandaan ko lang yung Bio-integrate! Napaginipan ko pa dati na ako daw si Red-1. Gusto ko bida ako eh. Tapos lumabas yung Maskman, kinabisado ko yung kanta saka yung mga hand gestures dun. Adik ba? Basta ako si Bluemask! Tuwang tuwa rin kami dati sa Shaider, japorms na sya sa tingin ko. Tapos ang galing ni Annie, sinisilipan nga ng panty yan eh! Ewan ko lang ba pero ndi ko pa nasense na lalaki tong si Ida dati. Basta nakiki-shigi shigi lang kami sa mga amazona at time space warp eh ok na. Tapos andyan din si Mask Rider Black, si Robert Akizuki! Alam ko na ngayon bakit peborit kong panoorin ito. Saka ndi ko maintindihan bakit kelangan lagyan ng plastic balloon ang mga mukha ng kalaban ni Robert. Rider Kick! Magha-highschool na ako nung lumabas ang Power Rangers pero nasubaybayan ko pa rin. Ako naman si Blue Ranger dito.

Isa lang ang channel sa bahay dati, Dos lang. Kaya sure hit Kapamilya ka. Malabo kasi ang reception ng ibang channels. Pero kung may sinusubaybayan ka na ibang channel eh talagang ipagpipilitan mong ayusin ang antenna. Ang channel 5 dapat pa nine-o'-clock ang formation, kapag channel 4 dapat 11:50 position. Kulang na lang lagyan ng mga tali at scotch tape ang antenna.

Favorite kong cartoons dati ang X-Men. Meron pa ako nung mga cards na kokolektahin (ah sori, teks pala tawag jan dati, isa, dalawa, tatlo, cha!). Kaya lang nagalit si Momey dahil nakakalat daw. Sinunog nya. Buti na lang ganun lang, ilalaga daw sana tapos papakain sa akin. Shocks! Pinanood ko rin yung Visionaries sa channel 4, tungkol sa mga knights na nakakapagtransform sa mga hayop. Sa mga fans ng Thundercats, He-man at She-ra, at kung ano pa, sa Visionaries talaga ako! Leoric PWNS you! hahah


Music. Highschool na ako ng madiskubre ko ang radyo. Meron kaming lumang radyo dati pero ndi ko ginagamit. Eh sobrang fan ang mga classmate ko ng LS-FM Campus Radio that time. Dito na rin siguro ako nahilig sa Eraserheads at ilang OPM Bands. (Buhay pa ba si Ely Buendia? May nagkakalat ng chismis eh, sayang naman yung reunion nila) Dito rin nagsulputan ang mga cheesy songs gaya ng Extasi-Extano, Too Legit to Quit, Ice Ice Baby, at songs ni MC Hammer. Di ba 90s din sumikat ang Aegis? Idol ko kaya sila. Ayoko sanaaaaahhh, na ikaw ay mawawalaaaahhh...

1997 yata nang lumabas ang MTV Asia sa freetv through Studio 23. Super excited ako nun kasi first time ko makakita ng foreynjer na kumakanta. (Loser ba? Wala kasi pambili ng magazines eh, saka yung mga songhits na may clip outs ng artist eh parang project ng association of Indays) Biglang putok ng boy band at girl band genre sa pop culture. Para akong tinangay ng malakas na agos. Di nagtagal eh nakiki-Quit Playing Games with my heart, at Wannabe na ako. Boyzone, Backstreet Boys, Westlife, A1, Code Red, Spice Girls, lahat yan dinaan ko. Ngayon nililinis ko na ang aking mp3 folder sa mga uber corny songs. Ewan ko ba bakit ako nahumaling sa songs nila, although merong select few na ok-ok songs nila. At talagang affected ako dati sa mga chismis na bading daw ang Spice Girls. Shett! Hindi rin nagpahuli si Britney kasi umabot sya sa last days of the second millenium. Bakit ngayon pa lang yata sya tinamaan ng Bug?!

Hindi lang marked ang 90s ng bubblegum pop. Eto rin naman ang dekada kung kelan sumikat din ang Alternative Rock. Thankful naman ako ndi ako totally sucked sa dark side nila Britney. (feeling jedi lang! May the force be with you! And also with you!) Anjan ang R.E.M., Third Eye Blind, No Doubt, Foo Fighters, etc.


Gadgets. Wala pa noong celphone. Nauso tong maliit na device na to, ang beeper. May dalawang signal daw, yung isa daw call sa office, yung isa sa bahay. Ndi rin ako gaano familiar dito. Kapag may message ka na isesend eh kelangan mo pa idaan sa operator. Walang privacy. Mabuti na lang napalitan ng cel, pwede na tuloy makipagdett si Itay sa secretary nya, basta walang sent items ang cel nya.

Nauso rin ang brick game, na sa totoo namay tetris ang tawag. Mukha nga naman syang bricks diba? Hindi ka in pag wala ka nito. Pero mas sosyal ka na kapag may Game and Watch ka! Syempre pang mayayaman lang ang Gameboy. Yung mga kalaro ko dati meron silang Family Computer, at super galing na namin sa Super Mario 3, pero ndi pa rin namin matapos. Nauso ang mga rentahan ng games sa Sega Megadrive at SNES. Una akong pinakilala ng kaklase ko kay Chun-li sa Street Fighter, ndi ko naman sya kilala dati, may drawing pa sya na nakabukaka. Mid 90s nang lumabas ang Playstation. Hanggang lang ang inabot ko sa ngayon. Pero ok lang, updated pa naman ako. Buti pa tong kapatid ko nakabili na ng PSP nya. hahah


Food. Sa elementary school kelangan meron kang at least dalawam piso. Yung isang piso para sa Nutribun (na monay lang naman na napahiran ng palaman, balita ko sa ibang school eh amag daw ang palaman) at yung isa pa para sa soup (ewan ko bakit soup ang tawag nila eh minsan lugaw, miswa, o champorado ang laman) Mandatory ito! Naniniwala pa ako sa teacher ko na kapag naubos daw ang paninda eh may award daw sa principal. Meron pang isang paninda sa amin, yung nakalagay sa bilao, dito ka makakapili ng sari saring food. Minsan may carioca, waffle, nilagang itlog o saging, Serg's na may maggot, beans, Frutos, etc. Maswerte na lang at pandak ako nun kaya nasa row 1 ako, hindi tira tira ang laman ng bilao. Kapag uwian na, sari-saring paninda makikita mo sa labas ng school. Parang peryahan lang. Mabenta sa akin ang scramble. Yung crushed ice na may kulay pink yata tapos may choco syrup at gatas sa ibabaw.

Pagdating sa bahay, bibili pa ako sa tindahan nung Oishi! Yung prawn crackers daw, tadtad sa vetsin to kaya kita nyo naman epekto sa akin. Bumibili din ako ng cornbits tapos sinasabawan ng suka. Nagsulputan din ang mga chichirya na puro hangin lang. Natikman nyo na ba yung Aiza? Masarap daw yun. Yung Pritos Ring nilalagay ko muna sa daliri bago kainin. Meron ding candy na Joy, yung may butas sa gitna na pwede gawing whistle. Mabenta rin ang Lala, na pinatigas na Milo lang yata. At speaking of Milo, naniniwala akong champorado na yung kanin na sinabawan ng Milo.

Dati rin may Fanta na drinks pa. Yung iba ibang flavors. Ang gusto ko yung Green Apple Flavor. Meron din namang Rootbeer to, pero mas masarap ata yung Sarsi. Nakikita ko yung lola ko dati umiinom ng Sarsi na nilagyan ng hilaw na itlog. Eeewww. Sarsi rin yata ang pinakamahabang commercial na napanood ko dati.


Events. Limang event lang ata ang yumanig sa aking kamulatan sa dekada nobenta. Rewind muna tayo sa July, 1990. Grade 2 ako, nasa desk ako, nagbabasa ng English book ata, may seatwork yata, or natutulog si teacher. Nahilo ako bigla, akala ko inuuga lang nung nasa likod ko yung desk. Lumilindol na pala. Takbuhan na, yung iba tumalon sa bintana (first floor lang naman kami eh). Nag-iiyakan pa yung mga kaklase ko, ang drama lang ha! Wala namang masamang nangyari eh. Yung hagdan sa third floor ng school bumigay, wala kong nabalitaang casualties.

One year after, alas tres ng hapon. Alam ko may bagyo that time. Pero naman, alas tres ng hapon eh nakabukas yung poste ng ilaw? Sobrang dilim na. Biglang may ashfall. Pumutok na pala yung Pinatubo. Sumama daw yung lava sa tubig kaya naging lahar flow. Maraming nasirang tahanan (o tukso layuan mo ako?) at hanap-buhay.

Ginanap ang Miss Universe sa Pilipinas noong 1994. Si Dayanarra Torres ang Miss U '93 kaya nagstay sya dito sa Pilipinas. Nanalo si Sushmita Sen ng India. Pero panalo naman si Michelle van Eimeren nung makapagstay sya dito at napangasawa si Ogie (bago daw inahas ni Regine?).

December, 1994 nang maganap din ang Film Fest Scam, headed ng harbaterang si Lolit Solis para manalo si Ruffa at Gabby. Nabawi rin ata ang awards at napunta sa rightful winners na si Aiko at someone, somewhere.

Dumalaw si Pope John Paul II sa Pilipinas para sa World Youth Day noong January, 2005. Hindi naman ako ganung ka-banal-banalan kaya ang alam ko lang eh yung song galing sa Ebanghelyo ni San Juan, kabanata tatlo, bersikulo disi-sais. Basa: "For God so loved the world, He gave us his only Son, Jesus Christ our Savior...."

Ilang bagyo, baha, brownout, pangulo, inflation, at kung ano pa ang nagdaan sa buhay ko, sa buhay nyo, at sa Pilipinas, di pa rin ito natitinag. Matatag tayo gaya nga daw ng kawayan na sumasabay lang sa ihip ng hangin.



~0~



FAST FORWARD!

Masaya lang alalahanin ang nakaraan, ireview ang mga ka-cornyhan, at pagtawanan ang mga kabaduyan, malaki ang naidulot nila sa ating pagkatao. Alam nyo na ang pagkajologs ko. Marami akong natutunan sa past experiences. Sa bawat pagkadapa dapat tumayo at punasan ang luha, dugo, uhog at putik para game uli. Kapag naiipit sa patotot, kelangan may magsakripisyo para makatawid ang iba sa patintero. Walang tinik o garter na hindi matatalon basta't susubukan mo.

Ipunin mo lang ang lahat ng alaala at ibahagi sa mga susunod sayo ang mga aral. Kapag na-overwrite mo na mahirap na mareverse. Hindi ka pwedeng basta basta na lang mangongopya ng laman ng tape ng iba. Sana may back-up copy ka.

Hanggang dito na lang, mauubos na ang tape.

STOP!

Walang komento:

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails
Animated Social Gadget - Blogger And Wordpress Tips