Pag-iisa
April 10, 2009
isinulat ni Hannah Roque para sa MFA, Byernes Santo 2009
photo by David Nicolai at Flickr
Nakaranas na ba kayo na parang walang pumapasin sa inyo? Yung parang kahit anong gawin nyong tama sa tingin ng taong mahal mo eh mali pa rin? Sa tingin ng taong pinagmamalasakitan mo eh wala paring kwenta? Yung kahit ang gusto mo lang naman eh lambingin siya, lapitan at alagaan? Na katulad nung iba na kapag lalapit ka eh yayakapin ka. Hindi yung parang nandidiri sayong hindi mo malaman. Ganun nga siguro kapag ikaw lang ang nagmamahal. Yung walang ibang nakakaintindi sayo kundi sarili mo lang. Well heto ang kuwento ng isang nilalang na nakakaranas ng ganoong kalungkutan...
"Mahigit isang taon na tayong nagsasama sa iisang bubong pero kahit kailan hindi ko man lang naramdaman na minahal mo ako. Bakit? Ano ba ang mali sa akin? Kapag breakfast, lunch, at dinner nauuna kang kumain... ako tira-tira lang. Parang ayaw mo pa nga eh. Lumapit lang ako sa lamesa nadilat na ang mata mo, sumisigaw ka na. At kapag pupulot lang ako ng pagkain mo tinataob mo na ang plato. Ayaw mo nang kumain. Bakit ganun? Nung una naman ok ka ah. Hindi ka man malambing, hindi mo naman ako kinasusuklaman. Ganun na ba talaga kapag nasasanay ka na? Nagbabago ang ugali? Sa pagtulog kailangan pa kitang intayin na maging mahimbing bago kita malapitan at mahawakan, at syempre mahagkan. Pero kapag naalimpungatan ka bigwas at mura ang nararanasan ko sayo. Alam ko naman na wala akong naitutulong sayo. Wala akong trabaho. Iniwan na nga ako ng pamilya ko ng pinili kita. Hindi ako nakakatulong sa gawaing bahay sapagkat sa amin hindi naman din ako kumikilos. At yun pa, ni ayaw mong pahawak sa akin ang gamit mo. Kahit naman siguro pagtiklop makakya ko. Kahit medyo mabibigat ang damit mo kakayanin ko kaso ayaw mo. Feeling ko tuloy meron akong nakapanghahawang sakit kaya ayaw mo akong lapitan. Kung hindi lang kita mahal iniwan na kita dahil lagi mo naman akong pinagtatabuyan eh. Pero sayang din kasi ang pinagsamahan natin tsaka anong sasabihin ng pamilya ko? Sesermunan nila ako na tama sila at hindi ako nakikinig.
Pero siguro nga lahat ng pagdurusa may katapusan. Lahat ng pagtititiis eh may hangganan. Kahit na ayaw kitang iwan mapipilitan akong gawin. Kasi pati ang sarili kong buhay eh nanganganib na. Nung bigla mo akong nahuli na pumasok sa kuwarto at nagulat ka, nagdala ka ng isang pamalo. Bakal yun, bakal! Hinabol mo ako. Iyak ako ng iyak nun. Humihingi ako ng tulong sa kapitbahay pero hindi nila ako pinansin. Buti na lang nakatago ako. Siguro napagod ka din kaya binaba mo na ang pamalong bakal. Ilang minuto inantay kong kumalma ka. Pumasok na ako sa iyong silid para sa huling pagkakataon masilayan kita at makapagpaalam na. 'Paalam na,' yan ang huli kong nabanggit bago ako umalis sa bahay mo. Kung naiintindhan mo lang sana ako na hindi ko naman gusto na magalit ka sa akin eh. Sa ganito lang talaga ako pinanganak. Marunong din naman akong magmahal ah??? Kahit na magkaiba tayo, kasalanan ko bang maging isang IPIS?! Kahit na ang ipis may puso't damdamin din!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento