Plok, plok, plok. Musika na sa tenga ni Mang Husto ang bawat hakbang ng kanyang kabayo. Mahigit tatlong dekada na rin yata syang umiikot ikot sa mga pader ng lungsod na ito. Nakapagpatapos na sya ng dalawang propesyunal sa kinikita nya dito. Sa ngayon, parang maintenance na lang ang kita nya sa pangangalesa, ibawas mo pa ang boundary. Mabuti na nga't nakakapagpadala sa kanya ang kanyang mga anak ng panustos.
Naalala pa nya ang mga panahong nasa moda pa sila. Maraming mga turista ang dumadayo dito. Sa ngayon maswerte ka na siguro makadalawang byahe. Kung sabagay naikot na rin ng mga tao ang lugar na ito ng ilang ulit. Ano pa nga ba't sa pagsulong ng teknolohiya eh alam na ng mga tao ang kasaysayan ng lugar sa isang click lang. Isinapuso na ito ni Mang Husto kaya masasabi mo isa na syang walking Wikipedia ng Intramuros. Ngunit dahil kutsero ang tawag sa kanila, di maiiwasang bigyan ng konotasyon sila na nag-iimbento lang ng sinasabi. Kwentong kutsero. Magtitiwala ka ba sa kwentong kutsero?
"Manong anong pinagkaiba ng karitela sa kalesa?" minsan na naitanong sa kanya. Wala naman, pwede naman ipagpalit sila ng tawag ngunit madalas mas malaki ang karitela na kaya magsakay ng lima hanggang anim na tao. Mali. Spelling daw. Mga pilosopo. Ngumingiti na lang sya sa mga pasahero. The customer is always right.
Nung isang araw may isinakay syang nagdedate. Yung babae morena, yung lalaki Australiano daw sabi ng babae. Mejo hirap maunawaan ang English dahil iba ang punto ngunit pinilit nyang sagutin bawat tanong. Kaso nga lang hindi na sya matapos sa kanyang tour dahil maya't maya ay pumulupot agad itong babae sa mga braso ng foreigner.
May ibang araw na parang taxi lang sya na naghahatid papunta dito at doon. Wala naman sya magagawa. Pasahero din yun. Mabuti nga't hindi di gasolina ang dala nya kung hindi talo pa sya sa buong araw na pag-iikot.
Ngayong hapon ang unang pasahero nya ay dalawang dalagita. Nagsimula sya sa pagpapakilala.
"Hello, I'm Justiniano. You may call me Mang Husto."
"Can we like just call you Justin?" sabay hagikhik ng isa. Chinita, Pinay na parang utal sya magsalita kasi para laging maga ang kanyang mga labi. Wala naman syang braces pero parang umaarte syang mayroon.
"Jessie, stop it. Ok lang Mang Husto. I can understand a few Tagalog. Gusto ko nga matuto more so I need to listen to more Tagalog. Anyway, ako nga pala si Kathy. Jessie, you'ved met already." may twang si Kathy magsalita. Blonde, balingkinitan at matangkad at maamo ang kanyang mukha.
"Justin, baka nagulat ka kay Kathy like why is she speaking Tuhgahlowg! I know right. Cause she's half German, half American, and half Pinoy that's why."
Umikot ang mata ni Kathy. "Don't worry about the history manong. I've read most about it on the net. Si mama kasi she wouldn't let me travel first ng walang alam about the place. But you can still point out some of the places I haven't read yet. Magtatanong na lang kami, is that ok manong?"
"Yeah we just need to get around the city in this heat. Gosh, it's killing me!"
"Don't mind her manong."
Ganyan na ba ang mga kabataan ngayon. Laging nagmamadali. Laging rush. Laging naghahabol sa oras. Siguro nga gawa na rin ng technology eh lahat na lang makukuha mo sa isang tap. Noong panahon buwan ang inaabot sa pagreresearch ng kailangan mo. Ilang taon bago mo makabisa ang kasaysayan ng bayang ito na sa ngayon isang google mo lang nanjan na. Panahon na rin bang kami ay palitan?
"Let's take sa selfie Kath." Snap, snap, snap. "Ang taba ko jan. Take another one." Snap, snap, snap. "Manong sama ka samin." Snap, snap, snap. "Ngayon, manong kunan mo kami ng selfie!"
Inabot ni Mang Husto ang celphone at inianggulo sa harap nya. Snap.
"Funny, manong. I meant take us a selfie. Kami ni Kath not you. Duh!"
"Jessie it's technically not a selfie when you asked manong."
"Pasensya na po mam. Mahilig din kasi magselpie ang apo ko kaya ginagaya ko lang ang ginagawa nya."
"Can I see a picture manong?"
Pinakita ni Mang Husto ang wallpaper ng phone nya. Yung apo nya sa picture ay anak ng bunso nya na nasa Canada naman dahil doon nadestino yung project nya. Sya na lang ang nagpapasaya sa kanya ngayong halos wala na tao sa bahay nila. Yung panganay nya nasa California na. Sumama din dun ang kanyang misis dahil gusto naman daw makabisita sa ibang bansa. Dito nga sa Pilipinas di pa nya naikot ang Luzon, naisip pa nya dumayo sa Amerika. Nasa bahay nila ang kanyang manugang at apo pero mga ilang buwan na lang magmamigrate na rin sila.
May selfie din sa kalesa ang apo nya. May mga litrato silang buong pamilya ilang buwan lang ang nakalipas. Nakakamiss din yung sama sama pa sila noon. Di bale sa susunod sya naman daw ang dadalhin nila doon. Para naman sya ang itour ng mga anak nya sa Amerika.
"Oh oh oh. Manong can you drop us off a while. I just hafta get coffee. Don't worry we're still getting off at Binondo you promised!"
"No worry mam."
Si Jessie lang bumaba sa Starbucks. Niyaya na rin sya dito dati ng kanyang anak at ng ilang mga pasahero. Natikman na nya ngunit mas gusto pa rin nya ang barako ng Batangas. Sana mga lokal ng coffee growers na lang ang pinayagang magtayo ng kanilang negosyo sa loob. Alang alang sa pag-unlad, hinayaan ng gobyernong makapasok ang foreign companies para pagkakitaan ang colonial na mentalidad ng mga Pinoy.
"Manong what can you say about talks of the government taking down the walls to make way for road widenings?"
"Hindi po totoo yan. Hindi po kami makakapayag jan. Parte na ng kultura natin ang mga pader na yan. Kung aalisin yan para bigyang daan ang pag-unlad para na ring tinanggal ang kahulugan ng Intramuros."
"You're right. You can't say it's Intramuros without the 'muros.'"
"Pero hindi natin masasabi, sa pagpapalit ng administrasyon may kanya kanya silang mga plataporma para sa Maynila. Nanjang ginawang tambayan ang Roxas dati ng mga manginginom. Nagsipagtayuan ang mga malls sa paligid. May nagtatayo pa ng condo para angkinin lang ang sunset ng Manila Bay. Ako ay makalumang tao, sanay na ako sa aking nakagisnan. Hindi rin naman ako tutol sa mga pagpapaganda sa bayan natin. Ngunit may ilang bagay na dapat mo nang iwan para lang sa nakaraan. Na magpapaalala sayo ng nakaraan. At eto kami para magpaalaala sa mga naghahanap."
"Wow that was deep. I didn't get some of it though. Sorry manong."
"Is he bothering you? OMG!"
"No worries, Jessie. You're actually bother us. Ok ka na ba sa coffee mo?"
"They don't have macchiato so I had lattes let's go na ok?"
Matapos maihatid ang dalawa sa Binondo ay nagpasalamat sila. Pauwi na rin si Mang Husto dahil malamang wala na magbabyahe sa papakagat na dilim. Umikot muna sya sa simbahan para magsabi ng kaunting papasalamat.
Kaunti na lang din ang dumaraan na sasakyan sa loob pati ang mga tao ay maiingay na mga estudyante at mga turista kanina lang ay wala na rin. Sa kulay orange na ilaw ay tinahak nya ang daan pauwi. Katahimikan. Maliban sa tunog ng mga hakbang ng kabayo.
Plok, plok, plok.
____________________
Crosspost from Wattpad.