Hindi naman sa matapobre ako or something. Hello, pobre din ako pero iba talaga ang feeling ko sa kanya. May mga magaganda naman kaming pinagsamahan pero baka hanggang dito na lang. Pero minsan di mo maiiwasan tatawagin ka nya sa kanyang kandungan.
Noong bata ako dinadala kami ni mama sa Fiesta Carnival. Nakapanood pa nga ako ng Christmas show sa COD, although wala akong idea anong kwento nun basta mukhang masaya sya. Pag namimili kami ng school supplies, sa National Bookstore sa Cubao kami pumupunta.
Ngunit ang Fiesta Carnival noon ay Shopwise na ngayon. Ang Christmas show nasa Greenhills na. Ang mga books ko sa Fully Booked or Power Books ko na lang hinahanap ngayon. Wala nang babalikan ang nakababatang sarili ko sa Cubao.
Sa Cubao ko rin naman nakakasama ang ilang kaibigan ko para mag-inuman at magvideoke. Sa Cubao ko rin mineet ang first ever hook up ko hahah.
Hindi na kami ng vivideoke at umiinom sa Cubao dahil you know life, we felt too old for that na at may sari sarili na kaming kabusyhan sa trabaho at buhay. Nagkikita pa rin kami para magfoodtrip na lang dahil mas masarap ito kesa magsunog ng atay at pera. At hindi na ulit ako nakipaghook up dahil natakot na ako mainjan muli. Wala nang babalikan ang nakababatang sarili ko sa Cubao.
Sa Cubao parang last year lang nang may nagdala sa akin palibot sa mga kainan at mall. Sinabi kong ok lang naman basta kasama ko sya; kumain sa Cafe Maria Jerica (na pinilit kong sulitin ang buffet), naglaro ng uno stacko sa Appraisery sa Cubao X, nagmass sa Ali Mall, at nagshopping sa ukay ukay sa Farmers. Masaya at nakalimot ako ng takot at pangamba.
Ngunit di na nya ako kinakausap. Walang restaurant o turo turo akong kayang puntahan na di ko malalasahan ang pait ng alaala. Walang tawanan at musika na papawi sa kalungkutang nadarama ko sa paglakad sa mga kalsada sa loob ng Cubao X. Walang hiling na natupad na makita syang muli. Wala na akong babalikan sa Cubao.
At sa kakatwang pagkakataon ay tinawag nya muli ako sa kanyang kandungan. Sa Gateway kami nagsama sama ng ilang kaibigan para manood ng sine, dahil dito na ang midpoint namin kung saan available ang movieng Sakaling Hindi Makarating; kumain sa Mister Kabab, na ikinatuwa dahil may new food akong nasubukan; uminom ng Irish coffe sa Cab Cafe (sabi ni ateng cashier may lehkor daw yun at mejo nagbuffer pa ako bago ko nagets yung sinasabi nya); at uminom ng craft beer sa Fred's Revolucion. Sa aking pakiramdam ay unti unting nagwawarm up muli ako sa Cubao. Pero sa pagsulyap ko sa Appraisery parang nanumbalik ang mga emosyon, ang mga paghahanap at paghihintay ko na walang sagot. Gusto ko pa maglasheng pero mejo mahal kasi ang craft beer--180 PhP mygass?! Putangina naman Bash, bakit ba ang tigas tigas mo?!
Mabuti na lang nagpasya lumipat ng Starlites ang mga kasama ko for more booze and videoke. Gusto kong magwala din at salinan ng excitement ang kakulangan na nadarama ko. Ngunit wala akong lakas ng loob. Bakit walang lumalandi sa akin ngayon sa punto ng aking kahinaan? Panget ba ako, kapalit palit ba ako? Wish ko lang nasa level ako ni Liza, male version of course, pero pang chuwariwaps lang ako. I would never be kahit second rate, hanggang trying hard lang. Tinapos namin ang gabi sa session ng lugaw. I have high expectations for lugaw, you know. Lugaw lang sa akin sapat na, laman tyan at di ako iiwan. Baka may pag-asa pang balikan ko ang Cubao.
Ang Cubao para sa akin ay parang kape--minsan bitter, minsan sweet, minsan life. Minsan masaya, minsan malungkot. Pagpapasyahan ko lang kung daraanan ko lang, iiwasan, o tatambayan ko for the rest of my life. Ngunit ang mga byaheng fastlane paabante ay pawang puno at siksikan at wala nang puwang para sa akin.
____________________
Photo by Mark Sherwin Manansala via Flickr.